LIGHTHOUSE BBC CHURCH PROFILE

 
 

CHURCH COVENANT

Matapos, sa patnubay ng Ispiritu ng Diyos, tulad sa aming paniniwala, na tanggapin namin ang Panginoong Hesu Kristo na aming Tagapagligtas, at sa pagpapahayag ng aming pananampalataya, na kami ay mabawtismuhan sa Ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Ispiritu Santo, ngayon sa harap ng Diyos, ng mga anghel, at ng katipunang ito, ay buong galak kaming nakikipagtipan sa isa’t-isa bilang katawan ni Kristo.

Kaya’t kami, sa tulong ng Ispiritu Santo, ay nakikipagkasundo na hahangarin namin ang katuparan ng Dakilang Kautusan ni Kristo na matatagpuan sa Mateo 28: 18-20; na lalakad nang magkakasama sa pag-ibig Kristyano; na magsusumikap sa ikauunlad ng iglesya sa kaalaman, kabanalan, at pagbibigay kagaanan ng kalooban; na itataguyod ang kanyang kasaganaan at ispiritwalidad; na patuloy na aalalayan ang kanyang panambahan, mga ordinansa, disiplina, at doktrina; na bibigyan ito ng sagradong pangingibabaw sa lahat ng institusyong nagmumula sa tao; na magbibigay nang may kagalakan, palagian, at may paglago ng aming mga ikapu, alay pag-ibig, at alay pananampalatayang pangako, pagpapasalamat, unang bunga, at iba pang kusang-loob na alay na ginagamit na panustus sa mga ministeryo, sa gastusin ng iglesya, at sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo sa buong Pilipinas at sa lahat ng mga bansa.

Kami ay nakikipagkasundo na aalalayan ang Pastor sa buo niyang liderato, at anumang kanyang pinagsisikapang gawin; bibigyan siya ng dobleng karangalan, ipagdarasal siya, palalakasin ang kanyang loob, makikiisa at tutulong sa kanyang gawain; sisikapin ang kanyang ikabubuti, at siya ay mamahalin.

Kami ay nakikipagkasundo rin na pananatilihin ang debosyong pampamilya at personal; na magiging palagian at pirmihan sa pagtuturo sa aming mga anak; na hahangarin ang kaligtasan ng aming kamag-anakan at mga kakilala; na mamumuhay nang may pag-iingat dito sa mundo, na magiging makatarungan sa lahat ng aming mga pakikitungo sa kaninuman, tapat sa aming mga pakikipagtipan at huwaran sa aming mga gawi; na iiwasan ang pagiging dalahira, paninirang-puri, at labis na pagkagalit; na hindi magbibili o gagamit ng mga nakalalangong inumin, sigarilyo at tabako, at mga bawal na gamot; na hindi magsusugal at magbibisyo ng anumang ipinagbabawal ng batas at ng mga bisyong imoral; at magiging masigasig sa aming mga pagsisikap na mapalaganap ang kaharian ng aming Tagapagligtas.

Gayundin, kami ay nagkikipagkasundo na kami’y magtitinginan sa isa’t-isa na may kapatirang pag-iibigan; na aalalahanin ang bawa’t isa sa panalangin; na magtutulungan sa panahon ng pagkakasakit at pasakit; na pangangalagaan ang Kristyanong pakikiramay sa damdamin at paggalang sa pananalita; na hindi madaling sasama ang loob, bagkus laging handang makipagkasundo at makipagbalikan sa mabuting pagtitinginan na isinasaisip ang alituntunin ng aming Tagapagligtas na maisiguro ito nang walang pagkabalam.

Karagdagan dito, kami ay nakikipagkasundo na kahit kami’y lumisan sa pook na ito, kami ay magpapatuloy na makikibalikat sa ministeryo at mamumuhay ng tulad nang naituro sa amin sa Salita ng Diyos at ayon sa ating doktrina hanggang sa wakas ay makiisa kami sa ibang iglesya na may katulad na katangi-tanging pananampalataya, na kung saan ay aming madadala ang ispiritu ng tipan na ito at ang mga simulain ng Salita ng Diyos.